Minsan Ba Naisip Mo Paano Kung Naging Tulad Ka Nila?

(This article was published at the Definitely Filipino website and at the Philippine News RSS Feeds Portal.)

http://definitelyfilipino.com/blog/2012/10/24/minsan-ba-naisip-mo-paano-kung-naging-tulad-ka-nila/

http://news.modelsorg.com/minsan-ba-naisip-mo-paano-kung-naging-tulad-ka-nila/

Image

Inakala ko na sapat na ang makakuha ng magandang marka (1.75, 1.5, 1.25 maging Uno) sa aking mga klase. Sa tuwing nakikita ko ang mga ito, hindi maikakailang ako ay masaya. Dahil nagbunga ang aking sakripisyo, tiyaga at pagpupursigi. Ngunit kaakibat ng kasiyahang ito ang isang malaking responsibilidad.

Inatasan ako ng lipunan at ng Unibersidad ng Pilipinas upang tumulong sa lipunan bilang isang Iskolar ng Bayan. Sa pagkakataong ito, dito ko maibabahagi ang aking naging isang karanasan.

Nakilala ko si “D.” Isang batang may kapansanan. Salat sa lahat ng uri ng karangyaan sa buhay. Maswerte na siya kung sa isang araw, tatlong beses silang kumain. Nakatira sila sa isang bahay na maituturing na parang malaking kahon sa liit at sa pagiging marupok nito. Ang kanilang higaan ay isang papag na walang kutson. Ang sahig nila ay lupa, walang semento, walang kahoy.

Nang una ko siyang nakita, isang maaliwalas na ngiti ang ibinati niya sa amin. Niyaya kami papunta sa kama, na ‘yun na din ang nagsilbing kanilang sala. Pagkaupo ko, hinawakan niya kamay ko, at nagtatanong siya. Wala akong maintindihan sa sinabi niya. Pinaulit ko sa kaniya, di ko pa rin maintindihan. Nakita ko kung gaano naging desperado ang bata para mapaintindi ang ninanais niyang sabihin. Ngumiti na lang ako sa kanya at tinanong ko kung ano madalas niyang nilalaro. Kinuha niya ang isang sirang hoola hoop at pinakita sa akin. Dagdag ng Ate niya,

“Yan po ang paborito niyang laruan. Kaso nga lang nasira na.”

Pero hindi ako pumunta doon para kaawaan sila, kundi tumulong. Walang pormal na edukasyon si “D.” At dahil sa kapansanan at kahirapan, mas lalong lumiit ang oportunidad upang mabigyan siya ng sapat at magandang edukasyon. Tinanong ko siya kung gusto ba niya mag-aral, tumango siya sabay ngiti. Napangiti na rin ako, hindi lang dahil sa ngiti niya kundi dahil sa kagustuhan niyang matuto. Masunurin siya at nakukuha niya mga itinuturo ko sa kaniya. Ngunit alam ko na nangangailangan ng mahabang panahon para matulungan siyang makapagsalita, makapagbasa at makapagsulat. Siya ay sampung taong gulang na.

Natapos na ang panahon para makasama ko sila. Isang bagong hoola hoop ang iniwan naming alaala sa kanya at mga prutas na dali dali namang naubos ng magkakapatid. Wala man silang naipamahaging materyal na bagay para maalala namin sila, ang kasulatang ito ay sapat na upang magsilbing alaala ko kay “D.”

Nalalapit na ang huling serye ng aking pagtutuos sa aking pag-aaral bilang estudyante ng SPED. Alam kong hindi sapat na makakuha ng magandang marka. Ang mahalaga, kung paano magagamit ang iyong natutunan para makatulong. Nariyan na ang mga katanungang madalas kong banggitin sa aking sarili: Makakayanan ko ba ang ganitong uri ng trabaho at mga balakid na aking makakaharap bilang isang guro ng mga batang may kapansanan? Maibibigay ko ba ang tulong na kinakakailangan ng mga batang ito? Ilang “D” pa kaya ang maaari kong tulungan?

Sa bawat lagok ko ng Starbucks coffee; sa pagpunta kung saan-saang tourist destinations; sa pagbili ng usong damit, sapatos, bag, gadyet,; sa pagkain ko sa mga fine dining restos at sa lahat ng maituturing nating “extravagance for the privileged”; isa lang ang madalas kong maisip: sana nae-enjoy din ng mga batang tulad ni “D” ang ganitong mga pagkakataon.

Iskolar ng Bayan, ako’y naturingan. Hindi ito nangangahulugang gawing marangya ang buhay at kalimutan ang mga nangangailangan kundi tulungan ang sarili makabangon, maging mabuting ehemplo at magsilbi sa bayan.

Ito ang adhikain ko. Sana ganyan din ang adhikain mo, kaibigan. At ng karamihan.

Advertisements

Got thoughts? Share 'em! :-)

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s